MGA TULA NI ALBERTO SEGISMUNDO CRUZ
|
|
KUNG WALA NANG KULAY ANG MGA BULAKLAK
Kung wala nang kulay ang mga bulaklak
at wala nang bangong humahalimuyak.
Kung wala nang hamog at ulang papatak
na sa luntiang damo'y kristal kung mabasag.
Kung wala nang awit ang ibon sa gubat
na sa punong-kahoy ay palipat-lipat.
Kung wala nang init ang maagang sinag
na pumapalaso sa dibdib ng ulap.
Kung lambong ng gabi'y ganap nang nagsungit
at di magkailaw pati alitaptap.
Kung di na hahalik sa puting pasigan ang alon sa
dagat.
Kung di na sisimoy ang hanging amihang giliw ng habagat.
Kung ang gabing luksa'y ayaw nang patitig sa talang kutitap.
Kung ang landas nating tinahak sa nayo'y pitak nang nagburak,
nagkalat sa damo'y mga tuyo't dahong nalagas na rosas.
Saka mo pa lamang sadyang mawawatas
na kudyapi ko'y nagtampo na't sukat,
kasabay ng aking naglahong lumipas.
- Alberto Segismundo Cruz
Alay kay Senyang, ang tanging pag-ibig niya sa kanyang buhay.
GENESIS
Di abot‐kurui'y nabuo ang lupa,
Katapat ang langit — sumisinta yata!
Lambong ng karimla't dawag ng hiwaga
Itong kalawakang hindi maunawa . . .
Sapagka't ang Diyos ay Bukal ng Awa,
Nagsindi ng ilaw — sangmundong biyaya.
Hubad na tanawin ng bunduki’t burol,
Bangin at palanas, ang lambak na kanlong ‐‐
Lahat sa pangwari'y nag‐akmang patibong,
Pagka't may ahas na't halimaw na leon!
Kaya pinagbukod ng Inang‐Panahon
Ang Dagat at Lupa na hiwalay NGAYON.
Dito nagsimula ang tunay na EDEN
Na kinamulatan ni Adang “nagising”;
Kahoy na mabunga'y may biyayang hain,
Nagngiting bulaklak . . . kay bango sa hardin!
Nguni't itong Ahas, ginawang salarin,
Si Ada't si Ebang nagdusa’t nalagim.
— Nasaan ba kayo? — Diyos ay nagngingitngit!
— Narito po kami! — ang tugong may hibik;
May bakas ma't labi ang Edeng Marikit,
Ang sangkatauha'y dito nagka‐batik;
Kaya, mula noon, ang lahat ng bibig
Umasa sa tulong ng pawis at bait.
- ALBERTO SEGISMUNDO CRUZ
LUPA
Kundi sa buhangin
at durog na bato,
na naging matatag sa kabuuan mo,
saan ihahantong ang mga paa ko? . . .
Nagbuhat sa duyan at hanggang sa nitso,
alalay kang lagi sa aking pagyapak,
maging sa paghakbang o kaya'y pagtakbo!
Kaya pati langit sa kaitaasa'y
nanunghay sa iyo:
Umiibig kaya?
O may inggit ito?
Malimit ‐‐ sa ulan o kaya'y sa baha,
ikaw’y nagpuputik;
Kung kaylan putikan,
saka inasam nitong taga‐bukid . . .
Paano ang binhing sa iyo'y mapunla
kay daling bumulas na bungang‐biyaya,
samantala namang sa dibdib mo’t tiyan,
sadyang nakukubli ang likas na yaman!
Kung hindi sa iyong mabiyayang ani,
disi’y nagutom na ang sangkatauhan . . .
Dap’wa’t sa ginto mo't brilyanteng makinang,
Kay daming nasilaw
at nagdurusa pa sa mga piitan.
Kung ang dibdib mo'y patag na luntian
sa damong bermuda,
kay dilag‐dilag mong likas na alpombra!
At kung sa kandunga'y
nagngiti ang liryo, dalya't sampagita,
daming paruparo't mga ibong‐gubat
ang naghaharana!
kaya ang pulubing tunay na Belibet,
mula sa umaga,
malimit lumuhod at hinahagkan ka.
Saka kung sumapit itong dapit‐hapon
na tansong kampana'y
pusong lumulungoy
saliw sa plegaryang buhat sa “armonium”,
ikaw, Inang‐Lupang lubhang mapagmahal,
Lupang mapag‐ampon,
ibinubukas mo ang gahak mong dibdib sa isang kabaong.
- ALBERTO SEGISMUNDO CRUZ