Dapit-hapon ng Sining
Ni Alberto Segismundo Cruz
(Bulaklak, Abril 28, 1954)
Bawa't buhay natin ay mayroong Silangan, nguni't nagwawakas sa kanyang Kanluran.
— Aalis ako, Sinang, tunay. . . nguni't inaasahan kong ikaw ay mananatili ring may pananalig sa aking pag-ibig. --
— Selmo, pinalulubha mo lamang ang damdamin ng aking puso. Buhat nang makilala ang iyong kadalubhasaan sa pintura, nababatid kong iba na ang iyong daigdig. Higit sa akin ay may lalo kang minamahal! --
— Hanggang sa pagpapaalaman natin ay naninibugho ka pa, Sinang? --
— Oo, Selmo, naninibugho ako sa Sining, sapagka't iyan ang una mong pag-ibig... --
— Sinang! --
Nagkahiwalay ang dalawang magsing-ibig sa himpiIan ng tren ng nayong Manggahan. Nangingilid ang luha sa magagandang mata ni Sinang, lalo na nang kumilos ang sasakyan sa daang-bakal at samantalang ang buong nayon, sa pamamatnugot ng tininte Selo ay naghatid at naghayag ng hangarin sa magandang kinabukasan para sa anak ng Manggahan -- ang itinuturing na henyo sa pintura ng lalawigang Plaridel.
Nang ang kahuli-hulihang bahid ng usok ay mapawi sa himpapawid sa pagkaka-habol ng pananaw ni Sinang, ang dibdib naman niya ang nagsisikip; sa ilang saglit lamang ay nawalan ng malay-tao.
Kamakailan nga ba lamang, silang dalawa rin ang nagsisinaya sa mga sandaling ginto ng kanilang kabataan. Malimit silang magparaan ng oras kung Linggo at araw na pangilin sa baybay-ilog. Doon ay umuupo sa isang batong-buhay siya, si Sinang, samantalang siya naman, si Selmo, ay hawak ang pinsel at sa harap ng “lienzo” ay isang buhay na “Mona Lisa” ang larawan ng Mahal na dalagang pinapanata ng kanyang puso.
Akala ni Sinang noon ang ginawang iyon ng kanyang kasintahan ay para sa kanya lamang . . . alaala lamang ng pagmamahal upang magkaroon ng katibayan ang panahong ginto ng kanilang pagsusuyuan. Akala nga niya'y mga likha lamang iyon ng malaking hilig ni Selmo sa pintura na dahilan pa ng kayamutan ng ama nitong si Tata Inong na ang pagkakakilala sa isang pintor ay walang kabuluhan, lalo na sa nayon at lalawigan man, sapagka't bihira ang nangangailangan ng mga likha sa pintura.
Datapuwa't nang minsang mapatanghal ang isang likha ni Selmo nang magtanghal ang mga nag-aaral sa “Trade School”, sa tanghalan ng pampaaralan sa bayan, sa tagubilin ng punong guro, ang mga tinatawag na kritiko sa sining at ang ilang panauhing nagkakataong napadako roon ay nanggilalas at humanga sa larawang may pamagat na “Sa Baybay-Ilog”.
— Kay Amorsolo ito! — anang isa.
— Hindi! Kay Pineda! --
— Pupusta ako kay Dela Rosa iyan! — sabad ng isa.
Kaya't nang makilala nila na ang may-likha ay isang binatang taga-nayon, ipinagtanong kapagdaka ang kinatitirahan hanggang sa mapagkilalang talagang si Selmo ay may ipinangangako.
Ang pagkakataon ay nagbukas ng bagong pangitain sa ating binata. Sa sumunod na pagpapanayam ng mga puno ng paaralan saka ng ilang tagatangkilik ng sining sa Maynila, ay napagkayariang bigyan ng pagkakataon si Selmo na makapagpatuloy ng pag-aaral sa “Bellas Artes” sa Maynila, hanggang sa siya'y makapaghanda sa pagpapaka-dalubhasa sa Paris at sa Roma.
Ang mga pangyayaring iyan sa kabanata ng buhay ng binatang pintor ay mga hibla ng alalahaning nakintal sa isip ni Sinang at
nang ang dalaga'y mawalan ng malay-tao ay siya pa ring ginugunita niya. Nang mapamulat ang dalaga ay nasa kandungan na ng kanyang minamahal na magulang at kapatid, na nagpala agad sa dalaga.
— Ano ang nangyari sa akin, Inang? — pataka pang tanong ng dalaga.
— Wala, anak, marahil ay nainitan ka lamang lubha. --
Kapagdakang dumating sl Selmo sa Maynila ay sumulat sa kanyang mga magulang at kay Sinang. At, ang kaugaliang ito ay nagpatuloy nang kung ilang buwan pa. Datapuwa't nang makilala ni Selmo ang anak na dalaga ng kanyang kasera sa San Sebastian, si Delila, isang bagong daigdig ang nadama niyang kinasayaran ng kanyang mga paa.
Kasunod nito ang paglimot na sang-ayon sa isang makatang Kastila ay “Amor es Olvidas”. At ang nakapagpalubha pa sa mga pangyayari ay ang pagkakakilala niya sa ilang dalaga at binata, na sadyang alagad ng sining: nagpupuyat, sa “night club”; nagpaparaan ng mga sandali sa mga “bar” at palamigan; nagsisipagsayaw sa himig ng mga tugtuging makabago, sa paniwalang ang daigdig ay isang “tio vivo” lamang, inog nang inog, samantalang patuloy ang tugtugin, ang halakhakan, ang takbo ng mga pangyayari, ang lakad ng buhay na mahiwaga sa daigdig ding ito ng mga makasalanan.
— Kung hindi ka iinom at tutungga, — tukso ng isa niyang kasama sa “Bellas Artes”, -- hindi mo makakausap si Juan Luna.
— Kung hindi ka magsasayaw, — anang isa naman, — hindi mo mababatid kailan man kung ano ang mabuhay, sapagka't mananayaw lamang tayong lahat sa kabilugan ng daigdig na ito. --
— Kung hindi ka iibig, katulad ng pag-ibig ng isang artista, —sabi pa ng isa niyang kaibigan — kailan man ay hindi ka magkakaroon ng kaluluwang artista, at, kung iyan ay wala, paano ka makalilikha ng “obra maestro”? --
— Mabuhay kayo! mga alagad ng sining. . . — halakhak naman niya.
— Mabuhay si Selmo, ang kasintahan ni Delila! — ang sigaw ng magkakasama.
Si Selmo ay patuloy. Inabot niya ang kanyang hangad na magkatitulo, mag-angkin ng kabantugan at kaluwagan sa pamumuhay. Ilang kuwadrong naipagbili ang nagdulot sa kanya ng dalawampung libong piso. Sa ilang “paisaje” na kanyang nalikha ay nakagawa ng malaki-Iaki ring salapi, kaya't laging magugol siya sa kanyang pamumuhay sa magulong lunsod. At ang lahat ng kanyang natamo ay lalo pang nag-ibayo nang siya'y makapanggaling sa Paris at Roma.
Datapuwa't ang pinagmulan nlya - ang nayong Manggahan ay sadyang nakaligtaan. Para bagang isang maliit na kusot na papel na napailalim sa bunton ng kanyang katibayan sa pananagumpay at sa salansan ng mga salaping papel na kulang lamang sa silaban, kung inaabot siya ng kalasingan, at halos ay pagkabaliw.
— Ito ang buhay ... Ito ang buhay! . . — malimit niyang isigaw na waring wala nang katapusan ang lahat sa kanya noon.
Datapuwa't matulin at mabilis ang takbo ng mga pangyayari sa daigdig. Dumami ang mga bagong tuklas. Lalong nag-ibayo ang kaunlaran ng “Fotografia”, ang pagkuha ng larawan. Kasabay nito, ang pintura ay napasukan na ng malaking pagbabago, isang tunay na paghihimagsik sa larangan ng sining sa pamamagitan ng mga guhit at bilog. Lipas na ang paggamit ng mga kulay . . . ng mga larawang halos ay katulad ng sa “Fotografia”. Kasabay nito'y nabago na rin ang pangitain ng mga alagad ng sining na nahumaling sa aninong gumagalaw . . .
Kaya't sa malaking gugol ni Selmo sa araw-araw ay inabot na niya tuloy ang manghiram sa mga dating kasama na naghihirap na rin. Si Delila naman sa mga araw na ito ay para nang Iumalayo sa kanya, at sa katotohanan, ay nagpapasakit pa man
din sa kanya sa pagsamang malimit sa isang binatang mestiso, na di umano'y ahente ng mga makabagong automobil.
Habang may barya pang tumutunog sa kanyang bulsa ay hindi siya nakalilimot sa alak. At ang pagtungga niya sa mga araw na ito ay lalo pang lumulubha upang malimot, di umano, ang damdamin ng kanyang kaluluwa.
Isang dapit-hapon, paglabas niya sa isang “bar” ay bigla siyang napadupilas. Sa pagkakadupilas niya ay nagtawanan ang mga nakapansin, kabilang ang ilang dalaga.
Yamot na yamot siya sa nangyari. Halos minura ang may “bar”, sa pagpapabayang maglinis sa dinaraanan ng mga suki. Nguni't ang may-ari ay nagpaliwanag.
— Amo, hindi po kalat dito sa amin iyan. lyan po'y naiwan ng
nagtitinda. --
— Naiwan? — pagalit niyang tanong, bago dinampot ang naging sanhi ng kanyang pagkadupilas.
Isang balat ng mangga. Balat sa pisngi ng isang manggang nahinog sa pausok.
— Mangga! Diyos ko! — at nasambit niya ang banal na kataga sa unang pagkakataon, makalipas ang ilang taon. Saka niya nagunita ang alalahaning nawala sa kanyang isip - sa kanyang diwa, sa kanyang puso. 0o, ang Manggahan. May mga suIat siyang hindi man lamang binuksan ang sobre. May galing sa kanyang ama, sa isang kapatid at sa. . . marahil ay kay Sinang. 0o, kay Sinang, kaya't biglang kumirot nang matindi ang sugat ng kanyang puso.
— Ah! si Sinang ay lumimot na sapagka't nilimot ko na siya. Marahil ay may asawa na. Kay tagal na! — nasabi niya sa sama ng loob.
Sa di-kawasa'y may mahabagin ding nakapaghatid sa kanya sa kinatitirahan. Sa buong magdamag ay nakapangyari sa katauhan niya si Morpeo at ang pangarap, palibhasa'y masidhi ang kalasingan niya nang nagdaang gabi. Napangarap niyang patay na ang kanyang mga magulang, napupoot ang kanyang kapatid at isinusumpa siya ni Sinang. . .
— Ah! Bathala ko. . . mabuting bawian na Ninyo ako ng buhay, — nasambit niya sa kawalang-pag-asa. Sa isang lihim na taguan niya ay may nalalabi pang “Canadian Club”. Ito ang lunas. . . at pagkatungga, ay parang baliw na nagtatakbo sa daan, nagsisigaw. . . humihingi ng kapatawaran. . . nananambitan. . . nananaghoy. . .
Kaya't nagpasiya ang mga alagad ng batas na ihantong siya sa nararapat na hantungan; sa pagamutan ng mga baliw.
— Ni dito'y hindi siya nararapat, — anang puno ng pagamutan.
— Hindi slya baliw lamang, kundi isang asong ulol! . . --
At ang pamamaraan sa paglulunas na inilapat sa kanya ay nawalan ng saysay lamang. Hindi nagkakabisa sapagka't tunay siyang ulol: hindi na nakatatanggap ng pagkain at inumin.
— Hindi siya magtatagal, — anang punong-manggagamot, bago umiling at ibinaba ang paningin.
Dumating ang balita sa Manggahan.
Agaw-buhay sa pagamutan ng mga baliw si Selmo. Buhay pa rin ang mga magulang at kapatid ni Selmo, na malaon nang naghahanap sa kanya, nguni't hindi siya matagpuan sa kinatatahanan buhat nang tigilan niya ang mga “bar”. Ang treng naghatid sa kabantugan kay Selmo ay siya ring treng sinasakyan ng kanyang mga magulang at kapatid. Datapuwa't nang sila ay dumating sa pagamutan, si Selmo ay wala nang buhay. Yumao na kanya ang nagdurusang kaluluwa.
lsang malungkot na dapit-hapon nang idating ang bangkay ng dating dangal ng Manggahan. Noon din ay ililibing ang sawing-palad, ililibing na wala na ang maraming nagsipaghatid sa kanya, gaya nang lisanin niya ang tinubuang nayon tungo sa landas ng kabantungan. Ngayon ay iilan na lamang ang naghatid, at ilan sa mga ito ay isang matandang dalagang may itim na talukbong sa mukha. Sa gilid ng hukay, nang ilalapag na ang kabaong ni Selmo, ay saka siya nanambitan.
— Selmo, pinatay ka ng iyong unang pag-ibig. Ngayon ka lamang naging sarili ng aking puso. Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa. --
Ang babaing iyon ay si Sinang. Tumakas na ang kasariwaan sa kanyang buhay, nguni't sa gayong anyo at sa pagpapakasakit sa sarili ay lalo siyang naging kaakit-akit. Matingkad na lalo ang kanyang kagandahang pinagpala ng dapit-hapon.